Fat Facts

Kung paniniwalaan at isasapuso ko ang dalawang articles na nabasa ko kamakailan tungkol sa resulta ng mga bagong pananaliksik tungkol sa taba, ngayon pa lang ay mananakbo na ako sa grocery at mamimili ng sandamakmak na butter, steak, whole milk, red meat at ang paborito kong bacon. Bakit? Dahil di daw dapat tayo matakot kumain ng taba. Yan ang sinasabi ng June 23, 2014 na cover story ng Time Magazne na pinamagatang “Don’t Blame Fat” at halos yan din ang tumbok ng May 31 article ng The Economist na mayroong review tungkol sa  librong “The Big Fat Surprise: Why Butter, Milk and Cheese Belong in a Healthy Diet” na sinulat ni Nina Teicholz. Sa parehong articles, ipinaliwanag ng mga manunulat ng nasabing mga sikat na magazine na ang mga pagkaing aking nabanggit ay hindi ang siyang nagiging dahilan kung bakit tayo tumataba at nagkakroon ng sakit sa puso, diabetes, cancer, high blood at kung ano-ano pang sakit.  Sa totoo lang daw, kaibigan natin ang mga pagkaing ito at hindi kaaway.

Ang totoo raw kaaway ng ating katawan ay asukal. Yung mga pagkaing matatamis. Yung mayaman sa carbohydrates gaya ng kanin, pasta at tinapay. Sila raw ang dapat nating iwasan. Bakit? Dahil yung ating hormone na insulin, yun ang tumataas kapag kumain tayo ng mga pagkain na mayaman sa carbs. Yun ang nakapagdudulot ng maraming sakit.

Parang nahihirapan akong paniwalaan ito dahil kamakailan lang, nabalitaan ko nga na may mga bansa na raw na nag-iisip ng maglagay ng warning signs sa mga produkto gaya ng butter at bacon. Gaya ng sigarilyo, lalagyan na rin nila ang mga nasabing pagkain ng tarheta na may nakasulat na “Eating this product is dangerous to your health.”

So bakit nagkaganoon? Anong nangyari? Ayon sa article sa The Economist, nung early `60s daw, nagkaroon talaga ng matinding paglason sa utak ng mga tao hinggil sa diumanoy masamang epekto ng fat o taba sa katawan. Na-vilify o na-demonize ang taba, sabi nung nag-review ng libro ni Teicholz. Nagsimula ito ng inilabas ni Dr. Ancel Keys ng University of MInnesota ang resulta ng kanyang mga pag-aaral na nagsasabing masama ang taba sa katawan. Pero nito raw nakaraang ilang taon, marami na ring scientist ang nagduda sa paniniwalang ang tunay na kaaway natin ay taba. Bakit kanyo? Kasi noon daw kasagsagan ng mga diet fads nung `80s kung saan binawasan talaga ng mga health freaks ang taba sa kanilang diet, mas tumaas pa raw ang incidence ng heart attacks.

Maraming mga scientific explanations ang inihayag sa dalawang articles na tumutumbok sa diumano’y kakulangan ng matibay na ebidensya na nagsasabing masama talaga sa katawan ang taba. Sa katunayan, kung pagbabasehan daw ang mga bansang gaya ng France at Germany, kaduda-duda ang mga results ng mga pag-aaral ni Keys dahil sa mga bansang ito, matataas ang taglay na fats ng mga pagkain ng mga French at Germans. Pero sa kabila nito, mababa pa rin daw ang heart disease rate sa mga bansang ito.

Pero sinabi rin naman ng manunulat ng Time na si Bryan Walsh na di naman daw nangangahulugan na kailangan na nating magpista sa mga matatabang pagkain araw-araw.

Inaamin kong matapos kong mabasa ang mga articles na ito, mas lalo akong nalito at natuliro. Ang dami na kasing impormasyon na magkakataliwas. Di ko na malaman kung ano ang susundin. Sinagot din ito sa dulo ng Time article ng isulat ni Walsh na “the cold hard truth is that the only way to eat well is to eat well.”

E ano nga yung “eat well?” tanong ko sa trainer ko sa gym.

“Clean eating. Smart eating,” sagot niya.

Yun din naman pala ang tumbok ng lahat. Balanse lang. Kumabaga sa temperature, di gaanong malamig, di gaanong mainit.

Maligamgam.

 

 

 

 

 

 

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.