Empty Nest Syndrome

Single parent ang kaibigan kong si Portia (di nya tunay na pangalan) Yung tatlo niyang anak, puro may asawa na. Dalawa ang nasa abroad at yung bunso, tinangay na ng asawa sa probinsya. Alam naman ni Portia na darating ang araw na mag-iisa siya sa bahay. Sa katunayan, dahil sa kababago lang niyang nag-retire, matagal na niya itong ni-look forward. Yung stage na magkakaroon na siya ng time for herself. Magbabasa-basa na lang, makikipagkita sa mag kaibigan, mag-iikot-ikot sa mall.

“Masaya sa una,” sabi niya sa akin nung minsan kaming mag-usap sa Facetime. “Pero after sometime, nakakalungkot din pala. Nakaka-bore. May mga araw na ang feeling ko, wala na akong saysay.

” Nag-e-empty nest syndrome ka na, sabi ko sa kanya.

“Ano yun?” tanong ni Portia.

Yung feeling of grief and loneliness pag naiwan ka na ng mga anak mo. Hindi raw ito clinical condition, pero pwedeng pumunta dun kapag lumala at di mo na-address. Siguro kaya tinawag itong empty nest kasi nga wala ng tao sa bahay o sa pugad.

“Nakakatakot ka naman,” sabi ni Portia. “Anong gagawin ko?” Nag crack ako ng joke. Aba, bakit ako ang tinatanong mo? Wala naman akong anak na umalis. Sa pakikipag-usap ko kay Portia, na-realize ko na hindi na siya yung dati kong kaibigan na masayahin. Sa mga kuwento niya, halata ko na parang may dinadala siyang mabigat.

Marami akong binanggit na suggestion pero parang sinasalag niya lahat ng idea ko. Mag-travel ka kaya, sabi ko. Tutal mapera ka naman, gamitin mo. O kaya puntahan mo ako rito. Sagot ni Portia: “Sawa na akong mag biyahe. Nakakapagod. Tsaka ayokong mag-travel nang mag-isa.” Sinagest ko rin na mag-charity work siya. Mag-start ng hobby. Mag negosyo. Mag-bake, magluto, mag-yoga, mag gardening.

Lahat ayaw niya. Dumating ito sa point na medyo naiirita na ako sa nagiging takbo ng usapan namin.

Sorry, ha. Pero wala na yata akong maisip na suggestions. Kung di mo matutulungan ang sarili mo, siguro kailangang mag-seek ka na ng professional help. Hindi kasi pwedeng wala kang options dahil buhay ka pa. Hindi ka naman baldado. At lalong hindi ka naman mahirap.

Nangako siyang mag-iisip at maghahanp ng maaaring pagkaabalahan pero tuwing mag-cha-chat kami, very pronounced ng kanyang low mood at pagkawalang gana sa maraming bagay.

Kaso, ayaw naman niyang mag-elaborate pag nag-uusap kami. Minsan ay dinadaan ko nga siya sa biro dahil malimitko siyang mapatawa noon.

Buti na lang di ka naging piloto. Kundi baka pabagsakin mo rin sa bundok ang mga pasahero mo, biro ko.

Pero wa-epek din ito sa kanya.

Sana mabasa niya ito, para malaman niyang nag wo-worry na ako. Sana maisip niya na hindi siya nag-iisa sa pinagdadaanan niya kasi maraming mga magulang ang nakakaranas ng nakanyang nararamdaman. At sana, mabasa rin ito ng kahit isa man lang sa kanyang mga anak. Para naman madalaw nila si Portia, o matawagan man lang.

Wag kang susuko, Portia. Hang in there. Andito lang kami. At lagi mong iisipin, ang tao kahit na nakatira sa pugad na walang laman, pwede pa ring maging masaya.

Minsan nga, mas masaya pa.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.