Lucy

Umaga namin pinanood ng kaibigan kong Taiwanese ang “Lucy,” ang latest na pelikula ni Scarlett Johansson, para maiwasan namin ang mahabang pila sa takilya. Isang linggo bago pa lang  ito ipalabas sa Taiwan, expected na ng mga film distributors ng pelikula na tatabo ito sa takilya dahil kalahati ng kanyang 89-minute running time ay shinoot dito sa Taipei. Tama naman ang prediction dahil kahit na umagang-umaga, punong -puno ang loob ng Vieshow Cinema sa Xinyi district at di ininda ng mga Taiwanese ang gumising ng maaga at makipagsiksikan para panoorin ang pelikulang ang tagal na nila hinintay.

Hindi nga naman nakaka-disappoint ang exposure ng siyudad sa pelikula. Ilang beses na pinakita ang Taipei 101, ang mga xiaolongbao ng Din Tai Fong, ang mga daloy ng sasakyan sa mga lansangan ng lungsod, ang MRT, ang night market, ang Regent hotel at maging ang bandila ng Taiwan ay talagang may prominent tilt-up shot pa na para bang sinadya para tumaas ang kilay ng mga tiga-Mainland China.

“The movie has helped boost Taiwan’s popularity amid the country’s efforts to bring itself to the world stage,” sabi ng isang manunulat ng Wall Street Journal. Totoo nga naman. Simula raw 2008, 267 na foreign films na ang na-shoot dito sa Taiwan pero ang “Lucy” na dinerek ng French film director na si Luc Besson ang pinakamahabang exposure na nakuha ng Taipei city.

Engaging ang pelikula. Sa simula pa lang, hooked na ako as a viewer nang ipakita kung paano naging accidental drug mule ang foreign student na si Lucy. Gripping at interesting din ang naging premise at daloy ng istorya. Biktima ng isang drug syndicate, nilagyan si Lucy ng ilang supot ng drugs sa kanyang tiyan na pumutok at nag-leak sa kanyang katawan ng siya’y bugbugin at sipain ng kanyang mga tormentors. Pero imbes na malason at matigok, may na-release na kung anong chemical na nagpalakas at nagpatalino kay Lucy. Yung 10% ng kanyang brain capacity ay unti-unting tumaas, at ang dating kimi at takot na si Lucy ay naging isang angel of vengeance.

Hanggang sa puntong yun, tangay-tangay pa ako sa magandang storytelling ni Besson, lalo na nga’t may mga dagdag pa siyang visual flourishes para magkaroon ng documentary at scientific feel ang pelikula. Pero nang umabot na sa 60% at tumaas pa ng tumaas ang paggamit ni Lucy ng kanyang brain capacity, naging over the top na ang daloy ng kwento. Kumbaga sa MRT sa EDSA, tumalon ito sa riles at lumagpas sa Pasay rotonda, at ako bilang manonood ay nalito, nawala, nawindang at nagtanong kung bakit nagkaganun. Sabi nga ng isang kaibigan, siguro hindi rin nila alam kung paano tatapusin ang pelikula.

Sa kabila nito, hindi pa rin ako nagsisisi na pinanood ko ang “Lucy.” Noon hanggang ngayon, fan ako ni Scarlett Johansson and seeing her in a movie shot in Taipei gives me the thrill. Naaalala ko pa nga late last year nung binanggit sa akin ni George, ang aking gym trainer, na nag s-shoot daw si Johansson sa Taipei, di ako makapaniwala. Umuwi ako sa bahay nung araw na yun na bumubulong: Shyet,  andito si Scarlett Johansson! We’re breathing the same air!

 

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Entertainment, Movies. Bookmark the permalink.

6 Responses to Lucy

  1. tux ay nagsasabing:

    natawa naman ako sir dun sa MRT sa Edsa lumagpas sa riles at tumalon sa Pasay Rotonda.

  2. pinoytaipeiboy ay nagsasabing:

    Hahaha. Salamat sa pagbasa, Tux. Regards!

  3. Ena ay nagsasabing:

    ganun talaga mga films ni luc besson, may pagka out of this world …

  4. ay nagsasabing:

    Sayang I never got the chance to see it on the big screen.