Singkwenta

“Ano, singkwenta ka na?” Sigaw ng kaibigan ko sa kabilang linya ng telepono.

Tumaas agad ang blood pressure ko to aneurysm levels. Kung si Incredible Hulk ako, nagsimula na akong maging kulay green. Hindi ko talaga napigilan ang sariling magmura.

“Hinaan mo ang boses mo, lintek, ka. Bumati ka nga ng belated  happy bertday, nang-insulto ka naman.”

“Gago, compliment yun! Pramis, ang akala ko talaga, 32 ka lang. Di halatang kalahating siglo ka na,” sabay malutong na halakhak tulad  nung kay nasirang Bert Marcelo.

Contagious ang laughter ng hinayupak kaya natawa na rin  ako sa karinyo-brutal niyang attack.

Pagkababa ko ng phone, mixed ang reaction ko. Kasi since my birthday a few weeks ago, I’ve been trying to evade talking about my age. Yung isang bahagi ng utak ko, proud na proud na naabot ko na ang edad kong ito. Aba, yung iba nga, teen-agers pa lang, natitigok na agad o di kaya’y naglalaslas na ng pulso kasi di na nila keri ang pait ng buhay.

Pero yung kabilang bahagi ng utak ko, in-denial. Hindi masabi-sabi ang edad at punong-puno ng hesitation na pag-usapan ang pagpasok ng golden year sa aking buhay na para bang isang krimen ito na dapat itago o takasan, o di kaya’y baho na kailangang isprayan ng pabango, at alikabok na dapat punasan.  Bakit nga ba? Anong nakakahiya sa pagiging singkwenta?

Naaalala ko tuloy ang kaibigan kong si Bhebot. Nung siya’y mga 27, kinuwento nya sa akin na gusto raw niyang makipag-eyeball sa ka-chat niya sa YM. “Kanya lang sir,” matatas na kuwento niya sa akin,  “thirty-two  na siya. Yuck! 32! Nakakadiri!”

Agad naman akong nag-alma: “Punyeta ka, Bhebot, bubusina ka, ha? Thirty-two pa lang yun, ganyan na ang reaction mo . Nandidiri ka na sa edad niya. So anong gusto mong palabasin ngayon?. Ermitanyo na ako, ganun?”

Sabay kaming nagtawanan ni Bhebot pero inaamin ko, slightly—na-offend ako. KasI naman sa mundo nating ginagalawan, youth is hot and middle-age is considered uhhmm….passe’? Di katulad sa Hollywood, mas hot ang tingin ng maraming tao kay Clint Eastwood kesa kay Justin Bieber. Sa atin, may stigma yun na para bang nagsisimula ka ng maagnas kapag nakalagpas na ang edad mo sa mga numero ng kalendaryo.

Pero ako lang naman ang nag-create ng multong yon.

Kaya sumundot ang mas may katuwirang bahagi ng sarili ko, at nagsimula na itong mangonsensya. E ba’t ba kasi ikaw nagpapadala sa agos ng kombensyon? Tanong ng sarili ko sa sarili ko. Akala ko ba wala kang pakialam?

Unti-unti na ngayong lumakas ang loob ko. Nagsimula yun sa pagbibilang ng aking mga blessings. Masaya ako. Wala akong sakit. Mayroon akong maayos na trabaho. Nabibili ko ang gusto kong bilhin ng di nangungutang. Marami akong kaibigan at ka pamilyang nagmamahal sa akin and I love them back. True, wala nga akong partner at aktibong lovelife, e ano ngayon? Marami nga dyan mayroon ngang kalambutsingan pero miserable naman ang buhay. Ang bilis kong naipalo ang pendulum sa kabilang side at kaagad akong na-empower.

Pero totoo yun. Sa simula lang awkward, pero na-discover ko na turning 50 is truly liberating. Parang mas sigurado na ako ngayon sa mga gusto kong mangyari sa buhay ko. Mas kampante at di na ako gaanong nagre-reklamo ngayon. Mas tanggap ko na ang aking mga limitasyon. Wi-ne-welcome ko na rin ang aking mortality at mas lalo ko ito ngayong  pinapahalagahan kasi nga, mas glaring ang katotohanang umuunti na ang aking natitirang panahon sa mundo. And I am not being gross. Fact of life yun.

Ewan ko, pero sa kabila ng mga takot, mas lumalaking insecurity, pangamba, panganib, lungkot at mga latay ng mga sugat ng mga nagdaang taon, mas buo pa rin ang tiwala kong may mas magaganda pang mangyayari sa akin. At 50, mas feel kong buhay na buhay ang aking buhay.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Reflections. Bookmark the permalink.

1 Responses to Singkwenta

  1. Bebekoh ay nagsasabing:

    awww.. that’s certainly a blessing.. but i love the way you described the stereotypes of being 50s. Nandun nga yung parang “ang grouse ha!” hahahaha! but thank you… and belated happy birthday!