Cres-Art

Bibihirang Pinoy na naninirahan, nag-aaral o nagtatrabaho sa Taipei ang hindi nakakaalam kung nasaan ang “Cres-Art Philippine Cuisine,” ang mala-carinderia na Pinoy restaurant na nasa 29 Zhongshan North Road Section 3. At lalong bibihirang Pinoy ang hindi nakakakilala kay Aling Imelda Ching, ang masiglahing may-ari ng restaurant na mahilig mag-multi-task. Babatiin ka niya habang sumasandok siya ng ulam para sa isang nagmamadaling customer.  Bigla siya ngayong mag-shi-shift sa Mandarin at may iuutos sa kanyang dalagang anak na half-Pinoy, half-Taiwanese. Kukunin naman niya ngayon ang kanyang cellphone at may kakausapin siyang isang Taiwanese na taxi driver. Halos sabay niyang i-t-translate ang sinasabi ng kanyang kausap  sa isa pang nakatayong customer na diumano’y papunta raw ospital. Sabay-sabay itong ginagawa ni Aling Imelda, pero magkakaroon pa rin siya ng oras para pansinin at batiin ang isa pang kapapasok lang na customer. “Uy, ang tagal mo nang hindi napapasyal dito, ha. Kain ka? Bagong luto ang munggo!”

Taong 1996 pa raw ng itayo ang Cres-Art, ang restaurant na pinangalanan galing  sa pinagsamang pangalan ng mga magulang ni Aling Imelda–Cresencia at Arturo. Year 2000 daw nang ito ay nag-operate sa Zhongshan North road, ang tinaguriang “Little Manila” ng Taipei. Tubong Pasay city si Aling Imelda pero nanirahan na siya rito sa Taipei nang makapag-asawa siya ng isang Taiwanese. Sa tulong ng isa pa niyang kapatid, nagsimula silang magtayo ng isang gift shop pero sa restaurant business sila napunta.

Pagpasok mo pa lang sa  Cres-Art, alam mo ng Pinoy ang may-ari nito. Tatambad agad sa harap ng mga nakahilerang relyeno, bistek, sinigang, bopis at dinuguan ang may tatlong maliliit na estatwa ng Santo Nino na may naka-kuwintas na tuyong  everlasting flowers. Mayroon ding isang maliit na estatwa ng Mahal na Birhen, kung saan sa may kisame ay mayroon namang nakasabit na kumukuti-kutitap na Christmas lights, na hindi na tinatanggal all-year round. Sa kanang bahagi ng restaurant ay may isang malaking lumang mural painting ng parang isang French street cafe noong 18th century. Sa tabi nito ay isang lumang TV set, kung saan pa-minsan-minsan ay makakarinig kayo ng mga kumakanta at bumibirit sa karaoke–mga makabagbag damdaming ballads nina Jessa, Lani at Regine o kaya’y novelty songs nina April Boy at Yoyoy. Pag narining mo na ito, para kang automatic  na ma-t-transport sa isang carinderia sa Malibay, Tayuman o Sampaloc.

Hindi masasabing mura ang pagkain sa Cres-Art. Ang dinuguan, bopis, sinigang, kaldereta, ginataan, binagoongan, adobo, pinakbet at kung ano-ano pang ulam ay nagkakahalaga ng NT$60 hanggang NT$80 o Php88 hanggang Php117. Samahan pa ng mainit na kanin, malamig na softdrink, juice at panghimagas na turon, papalo na sa Php200-Php250 ang isang kainan sa restaurant ni Aling Imelda. Pero para sa isang Pinoy na na-h-homesick, ano nga ba naman ang Php250 kung matitikman at malalasahan mo ulit ang sarap ng lechong kawali na isinawsaw sa sarsang Mang Tomas o ang inihaw na liempo na sinawsaw sa toyo at kalamnsi o kaya’y suka at pinitpit na sili . Pag sinuswerte ka, makakasagap ka pa ng mga balita sa Pinas buhat sa mga Pinoy na kauuwi lang habang hinhintay mo ang halo-halong may langka at ube.

Halos katabi lang ng St. Christopher Catholic church ang Cres-Art kaya kapag Sabado at Linggo, punong-puno ito ng mga kabayan na pumipila para tikman ang luto ni Aling Imelda. Sa mga araw na ito, mistulang all-around cook, server at entertainer ang negosyanteng Fil-Chi na walang patid sa pag-estima ng kanyang mga customer. Minsan ay kakaraghin nya pa at lalaruin ang mga batang tangay-tangay ng mga customer na galing pa raw sa kung saan-saang sulok ng Taipei. Minsan naman ay narinig kong pinupuri siya ng grupo ng mga babaeng  kasisimba lang. “Aling Imelda, parang kapatid mo lang ang mga dalaga mo!” Mahihiyaw naman sa tuwa at hahalakhak ang masayahing may-ari ng Cres Art. “Naku, bigyan ng discount yan. Wag nyo ng bayaran ang turon!”

Di iisa o dalawang beses, narinig ko na yun sa mga Pinoy na ka-ut-utang dila ni Aling Imelda. “Pag andito ka sa Cres-Art, parang di ka rin umalis ng Pilipinas.”

Photo courtesy of Google images

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Food, Taiwan Life, Uncategorized. Bookmark the permalink.