Isang Linggong Tag-ulan sa Tag-lamig

December 16, Lunes

Alas sais na ng umaga, pero parang gabi pa rin ang hitsura ng langit. Sabi ng weatherman sa CNN, maulan daw ang susunod na dalawang linggo sa ilang bahagi ng Southeast Asia. May ipinaliwanag siya tungkol sa cold front galing China at ang hangin na magdudulot daw ng winter chills lalo na sa mga temperate countries gaya ng Japan at Korea. Hindi ko nakuha ang ilan pa niyang sinasabi kasi nagmamadali akong nagbihis. Ang lakas ng kagat ng lamig. Ang sarap bumalik sa kama, magbalabal ng kumot at mamaluktot na lang pero urban reality bites. Kailangang pumasok at mag-hanapbuhay. Di ko na namalayan ang oras pagkatunog ng 8:30 am alarm sa office. Para akong robot na sumunod na lang sa agos ng isang napaka busy na schedule: umattend ng mga meeting, nagsulat, nakipag-usap sa kung sino-sino. Nagmamadali akong lumabas ng office kasi nag-imbita si Tita Jhenn Gan, ang Mommy ng kaibigan naming si Jacques na mag-dinner daw kami sa Zhongxiao Fuxing. Nagkita-kita ulit kaming mga Pinoy at habang i-ne-enjoy namin ang napakasarap na steak dinner sa Viceroy restaurant, in-enjoy din namin ang masayang huntahan tungkol sa mga balitang pulitika at showbiz sa Pinas  na parehong nakakatuwa, nakaka-inis at nakakalungkot. Ang lakas na ng buhos ng ulan ng maghiwa-hiwalay kami sa may train station ng mga alas diyes ng gabi. Basang-basa akong umuwi sa bahay.

December 17, Martes

Nagising ako ng alas tres ng umaga at di na muling nakatulog. Narinig ko ang mahinang patak ng ulan sa labas. Binasa ko ang latest issue ng Time magazine dahil akala ko’y aantukin ako pero mas lalo akong nagising nang basahin ko ang talambuhay ni Pope Francis, ang “Person of the Year” ng Time. Binuksan ko ang TV at nanood na lang ng lumang episode ng show ni Anthony Bourdain sa TLC. Alas singko na ng umaga ng bumangon ako para gumawa ng juice. Habang naliligo ako, naisip ko na para na talaga akong matanda na kahit anong puyat ay kay aga pa ring magising. May kung anong lungkot na bumalot sa akin. Ang lamig kasi, sabi ko sa sarili.

December 18, Miyerkules

Tama nga ang sinabi ng officemate ko. Mag-d-drop ang temperature sa Miyerkules. Tinamad tuloy akong maglakad sa dati kong kinakainang vegetarian restaurant nung lunch time kasi ang tindi ng lamig. Nag sandwich na lang ako sa isang restaurant na malapit sa office. Pagpatak ng 5:30 pm, nanakbo ako papuntang gym. Kailangan kong pawisan kasi para na akong namamanas. Absent ang trainer kong si George pero ibinilin niya ako sa isang bagong female trainer na nagngangalang Mini. Okay naman ang training session namin although halos kalahati ng oras ay naubos sa kakukwento ni Mini. Dahil bihira lang siyang mag-ingles, pakiramdam ko’y pinagpraktisan niya ako ng kanyang English language conversation skill. Sinubukan kong maglakad pauwi para tuloy-tuloy ang exercise pero di ko kinaya ang lamig. Naubo ako kapag tumatama ang hangin at ulan sa aking dibdib kaya nagtatakbo na naman ako sa train station para umuwi.

December 19, Huwebes

Board meeting namin kaya kuntodo naka dress to kill ako. Dahil sa suot kong overcoat, ang bigat-bigat ng patong-patong na suot kong damit. Ito ang  isang ayaw ko pag taglamig, tapos tag-ulan pa. Hindi ako minsan makahinga sa dami ng nakabalot na damit sa aking katawan. Nung lunch time, sinubukan kong maglakad sa may Shida para makapag exercise at napansin kong sobrang gloomy ng panahon. Parang nagluluksa ang langit. Sa tindi ng lamig at walang puknat na pag-ulan, hindi ko napigil ang taglay na pang-akit ng mainit na kape. Pumasok ako sa Starbucks at nag-take out ng toffee nut latte. Nung gabi, naglakad ako pauwi at napansin kong paskong pasko na ang kapaligiran. Nagsabit ang mga Merry Christmas signs at Santa Claus sa mga tindahan. Sa dinaanan kong mall, tumutunog ang “Deck the Halls” sa piped in music. Ang ganda ng nagkikislapang Christmas display, pero ba’t ganun? Sa kabila ng mala piyestang ningning at tunog ng Pasko, parang di ko pa rin ramdam ang okasyon?

December 20, Biyernes

Dahil sa walang patid ang buhos ng ulan, nagkaroon ako ng matinding craving na kuamain ng mainit na noodle soup. Naglakad ako sa Yungkang nung lunch time at walang pakialam na sumayi sa ulan para maghanap ng noodle shop. Di ko alam kung paano ko nagawa, pero pumasok ako sa restaurant, umorder ng seafood noodle soup from a Chinese written menu at kinausap ang waiter na di marunong mag-ingles. Milagro pero nagkaintindihan kami. Tawa ako ng tawang parang baliw habang mag-isang kumakain. Nag-imbita ang boss ko sa dinner sa Shanghai restaurant. Tinanong ko sa kanya kung anong okasyon. Pre-Christmas dinner daw para sa buong staff. Nalula ako sa dami ng potahe at sa dami ng toasts  at “kampay” na pinaunlakan at ginawa ko. Maaga kaming natapos kaya pagdating ko sa bahay, ang restless ng pakiramdam ko. Hindi ako sanay na walang activity sa Biyernes ng gabi. Tumakbo ako sa sinehan at nanood ng “Blue Jasmine,” ang bagong pelikula ni Woody Allen na pinagbibidahan ni Cate Blanchet. Tungkol ito sa kuwento ng isang babae na nasa bingit ng isang major nervous breakdown. Ang powerful ng performance ni Cate Blanchet. Sobrang galing niya na hindi agad ako nakatulog kasi hindi ako maka-get-over sa galing ng pagkakaganap niya sa “Blue Jasmine.”

December 21, Sabado

Nagkita kami ng kaibigan kong Kastila na si Alex. Over lunch, hindi matapos-tapos ang kuwentuhan namin tungkol sa buhay opisina, ang aming mga biyahe nitong nakaraang tatlong buwan at ang mga  buhay-buhay ng aming mga common friends. Nang maghiwalay kami, pinuntahan ko naman ang aking kaibigang si Jackie. Naglakad kami sa ulan at binaybay ang kahabaan ng Dunhua street para hanapin ang isang cupcake store dahil gusto naming bumili ng ilang cupcakes para iregalo namin sa aming kaibigang Pinoy na si Alexandria na nag-c-celebrate ng kanyang birthday ngayong araw. Gabi na akong umuwi at na-disappoint ng malaman kong sira pa rin hanggang ngayon ang aking internet connection sa bahay. Bangon ako ng bangon para tumapat sa heater. Napapamura na ako sa lamig.

December 22, Linggo

Mahina lang ang ambon ngayon. Sa katunayan, di ko na kailangang magbukas ng payong, pero ang lamig pa rin. Pinarusahan ko ang sarili ko sa gym ngayong araw na ito. Sinabihan ko ang trainer ko na gusto ko ng heavy set of exercise dahil pakiramdam ko ay inuubos ng ulan at lamig ang aking lakas. Gusto kong magtagaktakan ang aking pawis. Gusto kong matanggal ang lamig na pakiramdam ko ay nabubuo at naninigas ng parang bakal sa loob ng katawan ko. Kagabi, binasa ko sa isang magazine article ang tungkol sa weather affective disorder. Kung paano nakakaapekto ang ulan, lamig at init sa ating mga moods. Kung bakit sa mga malalamig na Scandinavian countries, tumataas ang suicide rate kapag taglamig. Kung bakit dahil sa climate change, magiging mas malamig pa ang mga paparating na winter sa mga susunod na taon. Habang nagbubuhat ako ng weights, nagkahalo-halo na ang mga images ng isang malamig at maulang linggo para sa akin: ang mga basa kong payong at sapatos, ang mainit na kape at noodle soup, ang nanonoot na fog sa umaga at hapon, ang sira kong internet router, ang mga nakatambak kong libro na pinangko kong basahin pero di ko pa magawang simulan, ang mga Christmas carols na matagal ko ng na-download pero di ko pa mapatunog, ang aking kalendaryo na puno ng schedule, si Cate Blanchet na nakikipag-usap sa kanyang sarili sa isang park at ang aking masakit at pagod na katawan na ngayon ay pawisang pawisan na at humihingi ng pahinga.

Matapos kong mag-gym, chineck ko ulit ang weather forecast ng CNN at BBC–maulan pa rin daw ang susunod na linggo. Dasal, kailangang haluan ko na ito ng matinding dasal.DSC 0399

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Reflections, Taiwan Life, Uncategorized. Bookmark the permalink.