“Ilo Ilo”

May nakakatuwang nangyari sa akin nung Biyernes ng gabi nang manood ako ng pelikulang “Ilo ilo,” ang Singaporean film na nanalo kamakailan ng Camera d’Or Award sa 66th Cannes Filmfest” at best film naman sa 50th Golden Horse Award. Hinarang ako ng isang Taiwanese TV reporter nang lumabas ako sa sinehan para interbyuhin kung ano raw ang reaksyon ko sa pelikula.

“Sorry,  my Chinese is very bad,” paliwanag ko.

“It’s okay,” sabi nung lady reporter. Nagulat ako kasi nagsalita siya ng English.  “We’re really looking for a foreigner to be interviewed.”

Very polite akong nag-decline, nag-sorry at nagsabing maghanap na lang sila ng ibang maiinterbyu. Hindi dahil sa nahihiya ako, kundi jingle na jingle na ako.

Pero ipagpalagay na ininterbyu nga ako. Ito marahil ang masasabi ko sa pelikulang “Ilo Ilo:” napaka makatotohanan ng kanyang pagkakalahad. Para ka lang nanonood ng buhay ng iyong kapitbahay. Nagkataon lang na sa Singapore nangyari ang kuwento at 1997 ang setting–panahon ng kasagsagan ng Asian financial crisis.

Napakasimple ng kuwento ng “Ilo ilo.” Base sa karanasan ni Anthony Chen, ang 29-year-old na direktor at manunulat ng pelikula, tungkol ito sa naging special bonding ng 8-year old na Singaporean boy na si Jiale (na buong husay na ginampanan ni Koh Jia Ler)  at si Terry, ang kanyang Filipina nanny na ginampanan naman ng Pinay actress na si Angeli Bayani. Pilyong bata si Jiale, kaya sa umpisa’y nakakainis siya lalo na kapag binubully niya ang kanyang Auntie Terry. Pero hindi gaya ng mga api-apihang katulong, palaban at malakas ang character ni Terry. Iyon din daw kasi ang character na pinagbasehan ng totoong Terry, ang dating yaya ni Director Chen na ang tunay na pangalan ay Teresita Sajonia,  tubong  San Miguel, Iloilo.

Kung paano naging close ang bata at ang kanyang nanny ang naging hook ng pelikula. Sa una’y parang walang nangyayari sa kuwento pero nang mailahad isa-isa ang mga back stories ng mga main characters, lalo na ang parents ni Jiale, na unti-unting “napipilayan” dahil sa epekto ng financial crisis, nakapitan ko bilang manonood ang mga pinagdadaanan ng buong pamilya.

Mahusay ang pagkakaganap ng buong cast, lalo na si Yeo Yann Yann, ang Malaysian actress na gumanap na nanay ni Jiale. Napaka natural din ng pagkakaganap ni Angeli Bayani bilang katulong na si Terry. Para nga siyang di umaarte at kuhang-kuha niya ang hitsura, kilos at pananalita ng mga kababayan nating domestic helpers na nagsakripisyong iwan ang kanilang mga anak para mag-alaga ng mga batang di naman nila kaano-ano.

Malakas ang reaksyon ng mga Taiwanese sa pelikulang “Ilo ilo.” Nagtawanan sila ng malakas sa mga comic sequences gaya nung unang paliguan ni Terry si  Jiale at nahihiya pang maghubad ng kanyang underwear ang bata. “I’m used to seeing that…I’ve  seen things bigger than that,” sabi ni Terry in her thick Pinoy accent. Bagay na pinalakpakan pa ng  Taiwanese audience.  At dun sa eksenang maghihiwalay na sina Jiala at Terry sa airport, may mga narinig din akong tahimik na hikbi, sabay palakpakan ulit.

Sa premiere night ng  “Ilo Ilo”   sa Singapore, inimbitahan ng Director ang kanyang dating yaya na si Teresita Sajonia na ngayon ay 65 years old na para panoorin ang pelikulang dedicated para sa kanya. Sinundo diumano ng production crew si Aling Teresita  mula sa Iloilo at nilipad sa Singapore para  panoorin ang isang bahagi ng kaniyang buhay. Ganoon pala talaga katindi ang pwedeng maging emotional attachment ng isang bata sa  taong nagpalaki at nag-alaga sa kanya.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Entertainment, Movies, Uncategorized. Bookmark the permalink.