Undas, Lindol at Tuna Sandwich

Bisperas ng undas ng maisip kong hanapin ang “The Aroma” American restaurant sa Ximen. Nahihilo-hilo na ako sa gutom kasi mag-a-alas otso na ng gabi at di pa ako kumakain.  Naalala ko na ang huli kong kain ay 11:30am pa at isang granola bar lang yun. Sa dami ng aking ginawa sa opisina, nalimutan ko ng kumain at uminom. Eksaktong kalalabas ko lang sa Net clothes shop nang maramdaman kong umuuga ng malakas ang lupa. Shyet, lindol na naman, sabi ko sa sarili. Tiningnan ko ang oras sa aking cellphone. 8:02 pm.

Kinabahan ako kasi kausap ko kahapon ang aking mga ka-klaseng Czech at Amerikano at napag-usapan namin ang lindol sa Bohol at ang kanilang prediksyon na mukhang Taiwan na ang susunod na lilindulin.

Kinontra ko sila. “No, I don’t think it works that way,” sabi ko. Tapos eto na nga. Tamang tama ang hula nila.  Yumayanig na ang lupa.

Ang knee-jerk reaction ko ay tumakbo sa kalsada. At ganun na nga ang aking ginawa. Tapos na-realize ko na nasa kalsada na nga pala ako. Ano pa ba naman ang pwede kong  gawin? Dumapa? Magtakip ng ulo?

Magdasal!

Nag-antanda ako at nagsimulang magdasal habang pinagmamasdan kong sumasayaw ang dalawang chandelier sa isang coffee shop. Tapos ganun na naman ang aking na-observe. Gaya nung malakas na lindol nung nakaraang June, deadma lang ang mga Taiwanese. Tuloy ang tawanan ng mga tao sa coffee shop. May nagkukuhanan pa ng picture. May nag-g-give me five. May nagsusubuan ng cake. Walang tumatakbo o nag-a-acknowledge man lang na  kasalukuyang may nagaganap na lindol. Wala ring tumitigil na sasakyan. Wala lang.  Ano ba yan? Nasa semi-panic mode na ako pero ang dami pa ring naka-pila sa katabing sinehan.

Gusto ko tuloy sumigaw nang “Oy, pansinin nyo naman ang lindol!”

Binuksan ko ang internet sa aking telepono at ang bilis ng balita. Nasa newsfeed na agad ito ng aking Facebook–in real time! Tatlong shoutouts ng mga kaibigan ko rito sa Taiwan ang nag-acknowledge sa lindol, at puro sila Pinoy. Ibig bang sabihin nito ay sensitive talaga tayo sa mga kalamidad?

Pero ang di ko maintindihan, ang daming nag-like sa shoutouts nila. Malakas na nga ang lindol, ni-like pa? Di ba ang weird nun?

You’re over thinking again, sabi ko sa sarili.

Halos isang minuto rin ang itinagal ng malakas na pag-yanig ng lupa at nang matapos ito, naglakad ulit ako lagpas ng may police station sa Exit 1 ng Ximen Mrt. Dun ko nakita ang signage ng “The Aroma” American Restaurant na kababasa ko lang sa isang blog. Malayo pa ay napansin kong oo nga, puro mga Caucasians ang servers ng restaurant. Pumasok ako.

Ni hao. Keyi bang ni ma? Bati sa akin ng Amerikanong nasa counter.

Ngumiti lang ako at di sumagot. Tuloy-tuloy kong tiningnan ang menu nila. Tuloy-tuloy din akong inintsik nung Amerkanong  daig pa ang mga local kung mag-Chinese.

Very nicely, ngumiti ako at sinabing, “Sorry, I don’t speak Chinese.

Ang lakas ng buntunghininga nung Amerikano. “Oh, thank God!” Sabay hirit ng: “But why?”

“Because I’m not Chinese,” sagot ko.

At dun na nagsimula ang mahabang chikahan. Napag-usapan namin ang Pilipinas, ang lindol, ang kanilang missionary work, pati si Obama at ang Obama health care bago nag-warning ang utak ko na utang na loob, kailangan ko ng kumain. Dun na ako umorder ng spicy tuna sandwich.

At habang sarap na sarap kong nginunguya ang aking sandwich, isa-isa nang nagdagsaan ang text messages at pangungumusta ng mga kaibigan tungkol sa lindol at ang mga pagbati ng “Happy Halloween.”

“Maligayang undas! Kumusta ang lindol?” sabi ng isang dating office mate.”

“Malakas. Sabi sa ICRT, 6.2 daw sa Eastern Hualien pero parang 4 yata dito sa Taipei,” sagot ko.

Nag-ring ang phone ko.  Si Doc David, ang kasamahan ko ritong duktor na umuwi na sa Pinas.

“Doc,” sabi ko. “Napatawag ka.”

“Lumindol daw dyan?” tanong ni Doc.

“Katatapos lang,” sabi ko.

“San ka? Anong ginagawa mo ngayon?”

“Nasa restaurant,” sagot ko. “Kumakain ng tuna sandwich. Kain tayo!”

Natawa si Doc. “Kuya, balik ako dyan sa December bago magsimbang gabi.”

“Go! Halika,” sabi ko sabay tingtin sa maraming travel books na nasa bookshelf ng coffee shop. Usap pa kami ni Doc ng mga five minutes bago ako nagpaalam.

Pagkababa ko ng phone, lumabas na ako sa coffee shop at muli akong naglakad-lakad.  May mga dumaang bagets na pawang mga naka-halloween costume. Dalawa ang naka-gayak Dracula at yung dalawang babae ay naka white gown at duguan ang mga mukha.

Happy Halloween!” sigaw nila sa akin.

Happy Halloween!” sagot ko. “Did you feel the earthquake?” Tanong ko.

Shen ma?” tanong nung naka-Dracula costume.

The earthquake. Di-zhen” sabi ko. Muntik ko ng masabing Lindol!

What?” Tanong ulit nung bagets.

“Oh never mind. Happy Halloween!” sabi ko sa kanya sabay bye-bye at pasok sa entrance ng MRT station.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Taiwan Life, Uncategorized. Bookmark the permalink.